Akala ko buong araw na akong magiging badtrip kahapon. Umpisa pa lang kasi ng Valentine’s Day, away na kaagad ang sumalubong sa amin. Ewan ko ba dun kung inaasar niya lang ako, o naaasar na talaga siya sakin.
Buong araw siyang hindi nagtext. Ang huling text message niya lang sakin ay “?” Ang gulo diba? Wala rin ako sa mood makipag-away kahapon kaya di ko na din pinatulan. Hindi na rin ako nagtext. Nagulat nalang ako nung biglang nagtext siya bandang hapon ng “Mahal kita. :* ”
Sino ba naman ang hindi kikiligin dun? At dahil sa simpleng text message na yun, nawala na lahat ang inis at pagka-badtrip ko. Yung nga lang, parang late na masyado para makapag-plano ng pwedeng gawin na surprise. Hindi na kasi ako naghanda dahil nga nabadtrip na ako sa umpisa pa lang.
Hindi ko alam kung ano pumasok sa isip ko at naisipan kong puntahan siya sa kanila. Kung sabagay, sa mga ordinaryong araw nga pumupunta ako, sa Valentine’s Day pa kaya? Hindi naman talaga big deal sakin ang araw na yun, at alam kong ganun din naman siya. At dahil mahilig naman ako sa surprises, pumunta pa rin ako. Nagmamadali pa ako dahil baka hindi ko siya maabutang gising. Napakasaklap nung kung nagkataon. Sa liblib na lugar pa kasi siya nakatira, at apat na sakay din yung papunta sa kanila.
Dumaan muna ako sa 7-11 para bumili ng makakain. Wala nang donuts, kaya Tomi at Sprite na lang ang binili ko dun. Favorite niya kasi ang Tomi. Tapos dumaan din ako sa isang tindahan para bumili ng cornsilog at embosilog. Food trip kasi talaga kami lagi kapag pumupunta ako sa kanila.
Pagdating ko sa tapat ng gate nila, tumawag agad ako sa kanya. Antagal niya bago sinagot yung tawag. Nakatulog na kasi. Tapos nung sinagot na niya, sabog pang kausap. Paulit-ulit ko nang sinasabi na nasa baba ako, panay “Oo..” at hindi maintindihan ang pinagsasasabi niya. Sinabi ko na nasa baba na nga ako, at kung ayaw niyang maniwala, ibababa ko na yung telepono at uuwi nalang ako. Binaba ko nga, pero naghintay pa rin ako. Buti naman at nahimasmasan siya, at sumilip sa terrace ng kwarto niya.
Pagkapasok namin sa kwarto niya, halatang gulat pa rin siya. “Anong ginagawa mo dito? Baliw ka talaga!” “Diba may pasok ka pa bukas? Adik ka!” Paulit-ulit niyang sabi. Nasabi ko lang, “Diba Valentine’s Day ngayon? Happy Valentine’s Day. I love you.”