Isa ito sa mga pinakahihintay kong araw. Ibig sabihin kasi nun, pupunta na naman ako sa kanila. Pang-ilang beses ko na bang pupunta sa kanila? 8? 10? Hindi ko na rin matandaan e. Sanay na sanay na nga akong pumunta doon. Parang umuuwi lang sa sariling bahay. Hahaha.
Kung tutuusin, may kalayuan din ang bahay nila. Kung galing ako sa office, nakaka-apat na sakay pa ako bago makarating sa kanila. Isang bus, tapos jeep, tapos isa pang jeep tapos tricycle na papasok sa village nila. Effort din yun kung tutuusin. Pero parang wala na sakin yun. Nung una, akala niya, hindi ko matatagalan yun. Akala niya, pagkatapos ng ilang linggo, magsasawa na rin akong magpunta doon.
Ewan ko ba sa kanya. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon, ganun pa rin siya mag-isip. Hindi ko alam kung hindi pa rin siya sigurado sa amin, o baka ayaw niya lang masyadong maging emotionally attached. Sa tuwing pupunta ako sa kanila, lagi siyang nagbibiro na yun na daw yata ang huli kong punta at baka hindi na ako bumalik sa susunod na linggo. Nung una, na-offend ako kasi parang wala pa rin siyang tiwala sakin at sa nararamdaman ko, pero nung tumagal, nasanay na din ako at sinasakyan ko na lang yung mga ganung banat niya.
Bahala siya, basta pupunta pa rin ako mamaya. At sa susunod na Friday, at sa susunod sa susunod na Friday, at sa mga Friday pang susunod….